CKS College News

Buwan ng Wika 2021 (SHS Division)

  • Print

Taon-taon ay ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa alinsunod sa Proklamasyon Bilang 1041, taong 1997. Ngayon taon, buwan ng Agosto, ang pagdiriwang ay may temang “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” na siya ring pakikiisa sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging “Filipino-centric” at sa International Decade of Indigenous Languages ng UNESCO.

Ang Kolehiyo ng Chiang Kai Shek ay nakiiisa sa malawakang pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang aktibidad at programa na siyang nilahukan ng mga mag-aaral, mga guro sa Senior High School, at iba’t ibang mga tagapangasiwa ng institusyon. Sinimulan ang pagdiriwang sa simpleng pagpapalit o pagdaragdag ng frame sa kani-kaniyang profile picture sa facebook account na nakatutulong sa pagkalat ng impormasyon para sa nasabing pagdiriwang. Kasunod nito ay ang paghahanda ng mga mag-aaral ng iba’t ibang presentasyon na nagpapalawig sa kanilang kaisipan tungkol sa ating wikang pambansa, mga katutubong wika, at gayundin ang pamanang kultural ng ating bansa.

Sa pamamatnubay ng superbisor ng Senior High School na si G. Sherwin Pedernal, kasama ang kasangguni ng mga asignaturang pangwika (Filipino) na si Dr. Maria Lourdes Baello, pinangunahan ng mga guro sa Filipino na sina G. Matt Raymond Gozon at G. Rogelio Barrera Jr. ang mga gawain at presentasyong itinanghal ng mga mag-aaral sa baitang 11 pangkat A at B, at baitang 12, pangkat A at B sa STRAND ng STEM nitong Agosto 23 hanggang 24.

Narito ang latag ng mga aktibidad:

Tiktok Dance – Mga sayaw na nagbabahagi ng iba’t ibang barayti ng genre na maaaring pang-aliw, komedya o dili kaya’y pang-edukasyunal.

Tiktok song/music – Nakabatay sa mga bago at lumang mga awit o musika na itinatanghal bilang adaptasyon na umaabot lamang sa ilang segundo o minuto.

Makabagong Bugtungan – Ang bagong bihis ng bugtong mula sa tradisyunal na bersyon nito na siya namang nagkaroon ng bagong bihis sa taguring “Hugot lines o pick-up lines”.

Documentary Video – Presentasyong ibinatay sa mga nasaliksik na impormasyon na nagbibigay ng pokus sa detalye, mga hindi batid na kaalaman, at nakalap na datos.

Spoken Poetry – Ang “spoken poetry” ay itinuturing na makabagong panulaan o “tula” na higit na malaya sa sukat at tugmaan at kadalasang pumapaksa sa pag-ibig, karanasaan atbp.

Palarong Pangwika (trivia) – Gamit ang mga elektronikong aplikasyon “online”, iniugnay ang presentasyong ito sa tagisan ng galing, kompitisyon sa paraang palaro na wika ang pokus.

Nahati sa dalawang araw ang naging programa at nakabase ito sa iskedyul ng klase ng mga guro sa Filipino at upang madaluhan din ng ibang mga panauhin base sa kanilang bakanteng oras. Nakiisa din ang mga guro sa pamamagitan ng pagsususot ng tradisyunal na kasuotan o ano mang sumisimbolo sa maka-Pilipinong kultura para sa bansang Pilipinas.

Napuno ng ngiti, tuwa, at tawa ang bawat sesyon sa panonood ng mga presentasyon na inihain ng mga mag-aaral. Nagtapos ang bawat programa sa pagbabahagi ng maiikling pananalita mula sa mga panauhin tulad na lamang ni Dr. Rolance Chua (Ikalawang Pangulo sa mga Gawaing Pang-akademiko), Gng. Brenda Ong (Tagapag-ugnay sa Larangan ng mga Wika), at G. Palmares (Tagapag-ugnay sa Larangan ng Humanidades at Agham Panlipunan).

Ang ganitong mga programa ay isa sa mga patunay na ang alab sa puso ng bawat makabayang Pilipino ay ang nagpapatuloy na ang ating Wika ay Buhay.